Wednesday, July 02, 2008

Pigain Muna ang Pagka-Senti

Tapos na ang bakasyon, tapos na marahil ang maliligayang araw dahil tambak na naman ang trabaho. Tigil muna ang pagiging tamad at batugan. Paganahin mo ang utak mo at kung hindi pupulutin ka sa kangkungan.

Ewan ko ba, siguro dapat kabahan ako dahil ang daming gagawin. Pero hindi. Ikaw pa rin ang naiisip ko.

Ang tanga ko.

Hindi naman siguro totoong pag-ibig ito, dahil wala naman talagang namagitan sa ating dalawa. Higit na makulay pa ang aking mga pantasya, mas hitik pa sa kakiligan ang mga guni-guni ko. Kung saan tayo mamamasyal sa Pilipinas dahil malaya tayong mamasyal at hindi tulad sa Saudi. Kung ano ang iyong suot at kung paanong hahaplusin ng hangin ang iyong buhok, kung ano ang simoy ng hangin dala ang halimuyak ng lupang binasa ng ulan. Kung anong salamangkang dulot ng mga katagang galing sa aking labi. Kung paano tayo aanurin ng damdamin patungo sa ligayang abot ang langit.

Nag-iilusyon talaga ako.

Karapat-dapat lang siguro nung tayo'y magkahiwalay dito na hindi tayo nagkita sa Pilipinas at mali o patay ang binigay mo sa aking numero ng cellphone mo. Tulad ng sinabi ko sa iyo noon, hindi na baleng hindi mo ako iisipin. Hayaan mo na lang akong mangarap.

Sa ilang sandaling tagpo doon sa Pilipinas siguro mayroon na akong natagpuang karapat-dapat para sa akin. Hindi ko alam, at napakaaga pang umasa kung wala naman talaga.

Hindi naman siguro masamang isipin ka at sariwain ang mga sandaling ipinagkaloob sa akin ng Diyos. Sa ngayon, nagpapasalamat pa rin ako sa Kanya na minsa'y nag-krus ang ating mga landas at nabigyan ang kulay ang aking mundo kahit sandali.

Hindi rin naman sagabal sa buhay ko ang mga alaalang ito. 'Yun nga lang, hindi sapat ang inspirasyong ito para sa mga susunod na araw. Kaya ngayon, kailangang pigain ko muna ang nalalabing pagkasenti. Ang sabi nga nila, hindi maaaring dagdagan ng laman ang basong umaapaw na ang tubig.

Sa ngayon, bubuhayin ko ang damdamin ko para makatulog ako ng mahimbing.

Para bukas, nawa'y may bagong inspirasyong dumating.

Para bukas, kung may magtanong sa akin kung aalahanin pa kita, puwede kong saguting diretso at walang kaabog-abog: Hindi na.

(Sana.)

No comments: