Sa simula ay nilikha ng Diyos ang mundo
at sinugo niya ang tao upang magsilbing tagapag-kalinga
nang mapanatili ang kagandahan ng kanyang nilikha.
Subali't sa paglipas ng panahon . . . nakalimot ang tao.
Pinabayaan niya ang lupa,
ang kanyang kapwa,
at ang kanyang sarili.
Nalunod siya sa pagkilos ng isang mundong masikip at nagmamadali.
Inabala niya ang kanyang sarili sa kamunduhan.
Nalasing siya sa pangako ng tagumpay
At 'di niya napansin ang kanyang paligid . . .
na mayroong hindi maganda
na may taong hindi makahabol
na may mga taong hindi masaya
na may mga taong hindi malaya . . .
May takot,
at nangungulila.
Sa harap ng kahirapan at pagkukulang
Sapat na ba ang mangakong may liwanag sa isang mundong sakop ng dilim?
Sapat na ba ang sumigaw kung walang nakikinig?
Handa ba tayong imulat ang ating mga mata sa katotohanang
mayroong ngang nangungulila
at naghahanap ng liwanag . . .
Na may mga taong nag-iisa, natatakot, nalulungkot
at naghahanap ng unawa
sa isang mundong madaling makalimot?
Tumigil ka nang sandali . . .
Huwag ka munang magmadali at makipagsiksikan.
Masdan mo ang mga mukhang nasa iyong paligid
At baka mapansin mo . . . na marunong din silang tumawa
at kumanta
at makiramay.
Marunong din silang magtanong
at kumilos. . .
Na baka kailangan lang nila
ay isang gabay,
isang liwanag, na magpakita sa kanila
na sila at maaaring magbigay-liwanag din
hanggang sa ito'y kumalat at dumami
. . .at mawala ang dilim sa mundo.
(An old piece circa 1995, c/o my buddy Robert with some verses from me -- I don't remember which --- for the Peer Counselors of La Salle Lipa High School. In keeping with the recent tragedies in the Philippines and China...sadness wells up in my heart.)
No comments:
Post a Comment