Thursday, October 02, 2008

Princely

Eid Mubarak!

In keeping with the season, I'm posting a hodgepodge of statements derived from Antoine de Saint-Exupery's The Little Prince, though some passages are paraphrased in order to make it more substantial in Filipino. It was intended to be delivered before an audience for a Closed-Eye Process.

Alam ninyo, kay tagal ko nang gusto kayong kausapin. Siguro sa ngayon hindi pa ninyo ako kilala. Hindi naman mahalaga talaga ang aking pagkatao, pero baka magtaka naman kayo at sino naman ang kumakausap sa inyo. Tawagin na lang ninyo akong Munting Prinsipe, pero hindi naman dahil sa maliit ako ngunit sa dahilang naghahari ako sa napakaliit na planeta sa kalawakan. Minsan, napadpad ako dito sa inyong mundo. Marami akong nakilala at nakita, at marami rin akong nalaman ukol sa inyo, mga tao. Sana, hayaan ninyo akong magkuwento. Kaunting panahon lang, kaunting oras ng iyong pakikinig.

Siguro, sasabihin ninyo, sino ba itong nanghihimasok sa amin? Ganyan na nga ang gusto kong ipaliwanag sa inyo. Minsan kasi, napansin kong napakatigas ng ulo ng tao, kahit wala siyang kaalaman, nagmamalinis at nagmamarunong. Ngunit, sa katotohanan, hindi naiintindihan ng tao ang tunay na kahulugan ng kay raming bagay. Masyadong nakatuon sa mga pigura at sa mga numero. Tingnan mo lang kapag sinabi mong mayroon kang nakitang bahay na napakaganda at may malawak na hardin at malinis na pader kung paniniwalaan ka o bibigyan ng pansin. Ngunit kung sasabihin mong nakakita ka ng bahay na nagkakahalagang limang milyong piso, aba'y sasang-ayon sila sa sinabi mo't tatanungin ka pang, "Nasaan ang bahay na iyon?"

Ganoon din sa tao. Hindi naitatanong kung mabait at tapat ang iyong kaibigan, at kung malinis ang kanyang pagkatao, ngunit ang itatanong sa iyo kung pang-ilan siya sa pamilya, sino ang kanyang pamilya, kung saan siya nanggaling at kung ano ang kanyang trabaho. Kung ibibigay mo ang kasagutan nais nilang marinig, hindi na sila magtatanong.

Maraming nang nakalimutan ang tao dito sa mundo. Isa na dito ang bisa ng pagsasama. Ito ang mga tipong nagsasaad ng mabuting pakikitungo at pakikisama ng tao sa kanyang kapwa. Ang isa pa ay ang ritwal at rito, na siyang tumatawag at humahalina sa tao upang pagtibayin ang kanilang pagsasama. May ritwal tayo tulad ng pakikinig, ng pagsasalita nang may paggalang sa iba, at nang pakikiramdam sa pangangailangan ng iba. Wala tayong matatamo kung wala tayong kusang makisama sa iba. Ngunit, wala ring halaga ang ritwal kung pagmamalasakit ay kulang. Walang halaga ang buhay kung walang tunay na pagmamahal.

Kaya naman siguro hindi na nakikialam ang tao sa isa't isa, nag-iisip ang karamihan na masyado silang importante. Siguro, ang akala ng tao ay napakahalaga nila dito sa mundo, kesyo malaking lugar ang nagagamit ng bawat isa. Sa totoo lang, mapagsasama-sama natin ang anim na bilyong tao sa isang napakalaking plasa sa kahit anumang malaking siyudad. Kung tatayo lamang ang lahat, magkakasya ang lahat ng tao sa lugar na mayroon sukat na 30 milya pahaba at 40 milya palapad. Magkakasya ang buong sangkatauhan sa isang maliit na pulo sa gitna ng dagat Pasipiko.

O, e ano ngayon? E ano nga kung sa totoo lang ang tunay nating halaga ay nakasalalay din minsan sa ibang tao. E ano nga rin na kinakailangan din natin ang iba? Maaari nating tulungan ang isa't isa, hindi ba? Paano? Simple, makinig tayo. Bigyan natin ng kahalagahan ang bawat isa. Amuin natin ang isa't isa. Mapapaamo natin ang isang tao sa atin sa pagiging maaalahanin, sa pagiging maunawain, sa pagiging mapagmahal, hindi dahil mayroon tayong makukuha sa kanya, ngunit dahil siya ay taong may halaga tulad natin.

Ang mga bagay na napaamo ng isang tao, ang mga bagay na binibigyan niya ng halaga, ang siya lamang niyang nauunawaang tunay. Ngunit palaging gahol sa oras ang tao para umunawa ng kahit anuman. Binibili na kasing yari na ang mga bagay sa mga tindahan. Pero hindi ka naman makabibili ng pagkakaibigan at pagmamahal sa anumang tindahan sa buong mundo, kaya nagkukulang na ang mga tao sa tunay na kaibigan. Kung naghahanap ka ng kaibigan, paamuin mo ako. Paamuin ninyo ang isa't-isa sa inyo. Narito na kayo lahat, mga taong nangangailangan at nagtataglay ng tunay na pag-ibig.

Sa paggamit ng puso't pakiramadam mo lamang makikita ang tunay na halaga ng isang bagay, sapagkat ang mga pinakamahalagang bagay ay hindi mababatid ng ating paningin. Sabihin nating maihahambing mo ang isang tao sa isang rosas, na mahina at madaling masaktan, na kailangan ng maasikasong pangangalaga. Paamuin mo ang isang rosas. Mahalin mo ito. Ikaw ay may tungkulin sa lahat ng bagay na iyong napaamo. Sapagkat napaamo mo ang isang rosas, ikaw ay may tungkulin para sa kapakanan nito.

At sabihin din nating namumunga lamang ang rosas na ito sa isang sulok ng kalawakan, at dahil mahal mo talaga ang rosas na iyon, sapat na siguro sa iyo ang pagmasdan lamang ang mga bituin sa kalangitan. Sasabihin mo sa iyong sarili, "Naroroon ang aking bulaklak sa kalawakan..." Ngunit, kung nakain ng isang tupa ang bulaklak, anong mangyayari sa iyo? Hindi ba maglalaho ang liwanag ng lahat ng bituin para sa iyo? Ganito rin ang halaga ng iyong pag-ibig para sa iba. Maganda, ngunit dapat nating alagaan.

Ngunit huwag na huwag ninyong kalimutan ang inyong tungkulin sa inyong sarili, at baka maabala kayo ng tuluyan sa iba. Sapagkat sa huli, ikaw lamang ang makapagsasabi na ika'y mayroong nagawa. Samakatwid, titimbangin mo ang iyong sariling iyong pagkatao, ang iyong halaga. Ang gawin ito ay ang napakahirap para sa marami. Mas mabigat na pasanin ang husgaan ang sarili kaysa na ang magbigay ng pasya ukol sa iba. Kung karapat-dapat ang sukat mo sa iyong sarili, malaki na ang nagawa mo.

E di saan tayo ngayon tutungo? Kayo ang bahala, kayo naman ang may kapangyarihang humubog sa inyong kinabukasan. Wari ang aking mga salita ay munting paalala lamang, tulad ng aking pangalan. Pansinin ninyo ang inyong kapaligiran, pansinin ninyo ang inyong mga sarili. Mabuksan sana ang inyong mga puso sa pagmamahal. Pakinggan natin ang taginting ng mundo.

No comments: