Dedicated to the seniors of Tala Public High School, 1991-92.
Unang Boses
Minsan, parati na lang tayong nahihimbing.
Ayaw na nating magising, panay pangarap na lang.
E sino ba ang hahangad ng katotohanan
Kapag napakasaya ng ating mundo sa guniguni?
Ano ang iyong masasabi sa aking pangarap
Na aabot sa bituin at sasakop sa mundo?
Ako, ang nais ko ay ang maging matagumpay
Sa larangan ng pangangalakal at sa kayamanan.
Magtatayo ako ng makapalasyong bahay
At magmamay-ari ako ng sandosenang sasakyan.
Hindi naman lingid sa karamihan natin dito
Ang kayamanan ay kapangyariha't katanyagan.
Mahirap ngang yumaman at ito'y totoo
Pagpapakasakit at pagsisikap ang sikreto diyan.
Ikalawang Boses
Sino nga ba ang maniniwala sa kahibangan
Na iyong pinapangarap sa iyong sarili?
Sabagay, kilala ko naman ang nais mo
Makasarili at suwapang sa kuwartang
Hindi mo naman maiuuwi sa iyong libingan.
Di bale na lang, iba na ang aking pakay.
Sa Panginoon ko ihahandog at iaalay
Puso't diwa ko, at ang buong buhay.
Hangad ko ang pagturo ng Kanyang batas,
At isabog ang pag-ibig ng Tagapagligtas,
Hamunin ang tao para sa kabutihan
At sikapin na sila'y mapaglingkuran.
Mahirap na buhay, at huwag kayong magkamali
Pumasok na alangan, at magapasya ng madali.
Ikatlong Boses
Ha! Sino naman ang niloko ninyo
Mga hunghang na tulog habang kayo'y dilat?
Sino naman ang makikinabang
Sa huling pagbigay ng iyong pagsisikap,
Kung kayo'y walang anak na mapapangaralan
Upang magbuhat ng iyong pamana?
Pamilyang buo at masaya sa bawat araw
Ang aking ninanais at pinagsisikapan,
Pawis at hirap ko sa kanila'y laan,
At ito'y magbubunga pagdating ng araw.
Pamilyang mabuti ang siyang nagdudulot
Mabuting mamamayan at tanyag na pinuno.
At kung susundan natin ang ating ninuno,
Sila'y nagkamali, kaya ito ang naabot!
Sila'y Nagkasabay
Kayo'y nagkamali, pangarap ninyo'y di-likas
Sa hinahangad ng tao't layon niyang tunay!
Ano pa kaya ang hahanapin ng isang tao
Kung hindi ang mga bagay sa kaluluwa'y bukal?
Ang pangarap na ganiya'y hindi nauukol
Sa katotohanan ng ating buhay
At sa kahirapan ng ating mundo?
Unang Boses
Ako ang tama! Kayo ang mali!
Ang hinahanap ng tao'y tagumpay ng sarili!
Hindi sakripisyong walang katuparan
Ngunit pagsisikap para sa kayamanan!
Ikalawang Boses
Hindi! Nagkakamali ka!
Ang layon ng tao'y ay wala nang iba
Kung hindi paglingkuran ang ating Poon
At tumamo ng lugar sa naparoroon.
Ikatlong Boses
At sa aking pangarap nagbubunga ang lahat!
Ang aking pangarap ang siyang dapat
Pagtuunan ng pansin at pagbigyan
Upang makaabot sa kinabukasan...
Ang Huling Boses
Teka! Mga kaibigan, saan kayo darako
Sa ganitong alitan at pakikipag-away?
Hindi ninyo ba napapansin
Ang iyong pangarap ang siyang salamin
Ng iyong sarili at hinahangad?
Kung ganyan ang iyong pinahahalagahan
Walang makapagsasabi na kayo'y mali
At panaginip iyan lamang.
Tingnan ninyo ang iyong ninanais,
Mga tama't mali, mga luha at tamis.
Pangarap iyan, mga kaibigan, suriin...
Higit ang pagmanas sa unang tingin...
Kayo'y gumising na!
No comments:
Post a Comment