Monday, May 18, 2009

Bawal Maging Emo...

...kapag natalo ang paborito mong team sa Game 7 ng napakaimportanteng series. Pasensya na, Boston, hindi natin taon ngayon. Maging masaya ka na lang na hindi naman nakakahiya ang ipinakita nilang fighting spirit, at umasa ka na lang babawi sila next year.

...kapag mistulang nireregla ang kasamahan mo sa opisina dahil ayaw
makatanggap ng kahit ano pa mang pagpuna. Banatan na lang nang banatan, trabaho lang naman, walang personalan. Kung mamersonal siya, manigas siya, siya ang talo.

...kapag hindi ka na naman napansin sa sipag na ipinapakita mo. Pakshet, magsikap sigruro magsikap ka na lang ng 70% ng 100% ng oras, mas masaya sila siguro kaysa naman sa 100% sa 70% ng oras, even though mas magaling ka doon sa pangalawa.

...kapag nangangatog ang kasu-kasuan mo at nahihirapang maglalakad. Mas buwakaw ka pa kasi sa buwaya kung kumain ng nakakatabang pagkain. Mas baboy ko pa sa baboy kung lumapang ka ng tsibog.

...kapag iniisip mo ang ating inang-bayan. Iniwan mo nga siya, magrereklamo ka pa. Magpasalamat ka na lang may tumanggap sa iyo sa labas at binibigyan ka ng mas malaking suweldo.

...kahit gusto mong maging emo, dahil OFW ka. Araw-araw, oras-oras, hindi mo alam kung kailan ka pauuwiin, hindi mo alam kung kailan ka uutangan dahil kinakailangan, hindi mo alam kung mapapalitan ang amo, o kung magbabago ang saloobin ng amo mo sa iyo.

Bawal maging emo dahil wala ka sa tunay mong tahanan, at kahit palarin kang kasama mo ang mag-anak mo sa ibang bayan, wala kang pinanghahawakan.

Bawal maging emo dahil baka makalimutan mo kung bakit ka naririto, at malululong ka sa bisyo, sa pakikipagrelasyon kahit ikaw o siya o kayo pareho ay may asawa, o pakikipagrelasyon sa kapwa mong lalaki (o babae). Ang kahinaan, kahit nauunawaan, ay hindi sapat na katuwirang gumawa ka ng pagkakamali o manatili sa iyong kinalalagyan.

Kung magiging emo ka, eh dapat sariwain mo ang simulain mo bilang isang tao, nang matupad ang pangarap mong isang araw, hindi ka na kailangang mang-ibang bayan, at nang sa ganoon ay ganahan ka sa hanapbuhay kahit marahil wala siyang kahihinatnan.

Ikaw lamang makakapagsabi kung magiging piitan ang apat na sulok ng buhay mo, o isa lamang itong pasubok para maiperpekto tayo ng ating Maykapal.

No comments: