Monday, September 11, 2006

Ang Tunay na Pangarap

Ito'y munting ala-ala para sa nasawi dahil sa karahasan. Hindi lamang para sa karahasan dulot ng terorismo, ngunit para na rin sa biktima ng pinakamasahol na karahasan - ang karahasan ng kahirapan sanhi ng pagpapalawig ng 'di-pagkapantay-pantay sa lipunan.

Nawa'y mabigyan ang nakararaming lugmok sa kahirapan ng pagkakataong maiahon ang kanilang mga sarili at pamilya mula sa kahirapan, at higit na mahalaga, nawa'y makilala't matanggap nila ang tamang daan sa panahong masilayan nila ang pagkakataong ito.

Nawa'y mamulat ang puso't diwa ng may kapangyarihan at namumuhay sa karangyaan na ang tunay na katahimikang siyang masisilungan nila at kanilang mga pamilya ay ang pagsugpo sa kahirapan at kamangmangan sa anumang sulok ng mundo.

Ito ay salin sa isang dasal mula sa De La Salle Brothers ng Pilipinas.

ANG PANGARAP NG DIYOS PARA SA AKIN

Winika ng Panginoon :
May pangarap ako para sa iyo
Sapagkat buhat sa akin ang dakilang adhikain.

Parang kay hirap abutin ang aking inaasam,
Hindi yata praktikal,
Hindi yata para sa taong segurista,
May kaunting pag-aalangan minsan,
May kaunting pagyayabang kumbaga.

Ninanais ng ilan kong kaibigan
Ang magpahinga't manahimik
Na pagkahimbing-himbing
At maging bulag na dilat.

Ngunit sa mga ilang tulad ko rin,
Humihingi lamang ako ng kaunting pasensiya,
Mumunting kasiyahan,
Kakaunting lakas ng loob,
At puso't diwang handang makinig...
At bahala na ako sa lahat.

At sila'y magpupunyagi,
At magugulat sa kanilang kapusukan,
Lulukso, at magtataka sa kanilang liksi,
Magsisikap, at mamamangha sa ganda ng kanilang gawain.

Madalas magkikita tayo sa iyong hanapbuhay:
Sa mga kasama't kasangga mo,
Sa mga kaibigan mong naniniwala sa iyo
upang magbahagi ng kanilang mga pangarap,
ang kanilang mga kamay at puso,
sa iyong pagsisikap.

Tumila ka sa piling ng mga makatatagpo sa iyo,
At sa paghiwalay ninyo ng landas matitiyak mong
Makahahanap din sila ng pangarap.

Minsan sisikat ang araw,
At minsan nama'y babagsak ang ulan...
Ang pagbabago-bago ng panahon :
Nanggagaling ito sa akin.
Halina, humimlay at maging kuntento.

Pangarap ko rin ang pangarap mo.
Tahanan ko ang itinatayo mo.
Nasaksihan mo ang aking pagmamalasakit,

At tinataglay mo ang aking pagmamahal,
At ang mga ito ang kabuluhan ng lahat.


Panginoon, nawa'y manatiling malayo ang aking mga minamahal sa buhay sa kapahamakan. Marapatin po Ninyo na ang aking pangugulila dito sa ibang bayan ay maging katumbas ng kanilang katiwasayan at patuloy na kaligtasan sa sakit o hirap. Isinaalang-alang ko na po ang lahat nang sa gayo'y mabuhay sila nang maligaya. Sapat na gantimpala ito para sa akin. Siya nawa, siya nawa.

No comments: