Tuesday, July 25, 2006

Dahil Ayaw Po Nilang Magpaawat

Dahil ayaw po nilang magpaawat
Ilang daan ang nasalanta
Dahil ayaw po nilang magpaawat
Pati bata naging mga biktima


Maipapakain pa sa mga gutom
Ang kanilang ideyolohiya?


Dahil ayaw po nilang magpaawat
Dati'y gusot ngayo'y sugat na
Dahil ayaw po nilang magpaawat
Nadamay na ang walang-sala.

Kung nais mo ng katarungan

Maging karapat-dapat ka
Kung nais mo ng kapayapaan
Maging malaya't payapa ka

At kung nabasag ang katahimikan
Nawa'y magpakahinahon ha
Kung gusto mo lamang magkaganti
Matigilan ka lang naman sana

Kahit sa kabilang dako ng mundo'y
Naglalagablab ang giyera
Hindi maaaring tumalikod
Hindi maaaring magbalewala

Kapag dumayo si Kamatayan
At ang mahal mo ang ginapas
Puwede bang iharap ang prinsipyo
At ito ang gawing lunas?


Pasensya na't ganito na lang ang aking maibabahagi sa ngayon. Araw-araw na lamang ang sumasabog na balita ay ang giyera sa Lebanon. Nagmula lamang sa pagdakip ng mga sundalong Israeli at ilang rocket sa mga siyudad ng Israel, ngayon kay rami nang namatay.

Bato lang ang hindi maaantig sa mga makikita sa telebisyon - mga wasak na gusali, mga nakaratay na bangkay, mga nasusunog na sasakyan, at higit sa lahat, mga sugatan at patay na bata.

Hindi na maiwawasto ng mga Ingles at ng mga Amerikano ang kahayupang nagganap sa mga Hudyo noong World War II. Ngunit hindi titigil ang digmaan hanggang mayroon pa ring bansang Israel.

Hindi ako galit sa Hudyo at Israeli, pero isang malaking pagkakamali ng kasaysayan ang pagkakabuo ng modernong bansa ng Israel. Ilang dantaong itong hawak ng mga Arabo at walang sapat na kapangyarihan ang mga Hudyo para mabawi nilang ang kanilang lupain, ang Lupain ng Pangako.

Hindi rin naman ako kontra sa nakalathala sa Bibliya, pero ang huling malayang estadong pinamumunuan ng Hudyo ay bago pa pinanganak si Kristo. Simula noon, pumailalim ang Palestine sa iba't ibang kaharian at lahi -- mula sa mga Griyego, sa mga Romano, at sa huli sa mga Muslim na Ottoman hanggang sa mapunta ito sa mga Ingles noong ika-20 siglo.

Nasaan nakalathala na karapat-dapat ibalik ang lupang ito sa mga Hudyo?

Sa kabilang dako, iba ang kahalagahan at papel na ginagampanan ng Hezbollah sa buhay ng mga tao sa Lebanon. Hindi lamang siya isang lugar para ipahayag ang paniniwalang pulitikal, siya rin ay isang huwaran ng maka-sibikang mamamayan. Kumbaga, parang kasama na ang Hezbollah sa bituka ng masa sa Lebanon.

Paano mo susugpuin ang kaaway na ganito? Sa bawat isang namamatay ngayon, lalung-lalo na kung walang kinalaman sa Hezbollah, ay tiyak dalawa o higit pa ang papalit sa kanya. Kahit lusubin ang bawat purok sa timog na bahagi ng Lebanon, hindi nila makukuha ang lahat ng bomba dahil ang iba'y tinatago sa ilalim ng kama ng mga kaalyado nila.

Ilagay mo ang sarili mo sa kanilang katayuan --- sinong tutulungan mo, ang iyong kababata't kapanalig sa pananampalataya, o ang dayuhan?

Gayunpaman, prinsipyo ng karuwagan ang pinaiiral ng Hezbollah. Kay tagal na silang nagkaroon ng pagkakataong ilunsad ang kanilang paniniwala, ngunit mistulang nagtatago sila sa saya ng mga Lebanese. Ang unang pumisil sa gatilyo ay ang maysala, kahit sabihin nating makatarungan siya. Ang masasabi ko lang ay ganito: Gagawa ka lang ng kagaguhan, lubus-lubusin mo na at siguraduhin mong panalo ka. Eh kung pisil lang ginawa mo at sakmal ang ibinalik sa iyo, pasensya ka na. Tapos hindi naman ikaw ang nababawian. Duwag.

Malabisan man ang pagganti ng Israel, mauunawaan at makikita mo rin ang katuwiran nila sa kanilang pagsalakay. 'Yun nga lang, sila rin ang naghuhukay ng sarili nilang kabaong.

Syria at Iran. 'Yan ang nakaabang sa inyo. Kahit tumalikod na ang karamihan ng mga bansang Muslim sa panig ng Hezbollah, ito lamang ang mga pamunuan at hindi mga mamamayan nila. Asahan ninyong maitutuon sa isipan ng henerasyon ngayon ng Muslim at sa susunod pa --- dapat pawiin ang Israel para sadyang mawala na ang mga kinasusuklamang Hudyo. Dapat pahirapan at pagpapatayin ang mga Amerikano at ibang hindi kasama sa pananampalataya.

Poot at kasamaan ang itinanim ng bawat kampo dahil sa gulong ito. At araw-araw na may digmaan, ilan pa ang gustong makialam --- bukal man ang kanilang pakay para sa kapayapaan o HINDI. Mas malamang HINDI.

Magpaawat na kayo, kaibigan.

No comments: