Monday, January 31, 2005

Rebirth

For the gift of life, for the gift of love. For my late father, for my mother who waits for my return. For today, which would have been their forty-seventh wedding anniversary.

Once I wrote of birth, waiting to be reborn. For a memory fourteen years past, for a life fourteen years hence that I may be able to look at this time with fondness.

For my family - the one that gave me life, and for those others who shared their lives and gave me inspiration.

Ang Anak Sa Sinapupunan ng Ina
Nagising ako sa kadiliman.
Hindi ko alam kung sino ako, o ano ako.
Basta, ang alam ko, bunga ako ng pagmamahalan.
Nag-ugat ako sa isang handog ng pag-ibig.
Iyon pa lang ang nasasaisip ko, maligaya na ako.
Sino kaya ang nagbigay buhay sa akin?
Ano kaya ang ginagawa nila?
Ano ang kanilang katangiang kahanga-hanga?
Ano ang kanilang pagkukulang?
Handa ko silang mahalin, dahil binuhay nila ako...
Ewan ko ba kung bakit ganito ang naiisip ko.
Kabubuo ko pa lamang, ang dami ko nang tanong.

Ang Ina, Umaasa
Naramdaman ko ang buhay na namutawi sa loob ko.
Batid ko ang anak ko sa aking sinapupunan.
Lalaki ba siya, o babae? Matangkad o pandak?
A, basta, kahit ano pa siya, minamahal ko siya.
Kahit maging pangit pa siya para sa iba.
Sa akin, magandang-maganda siya, o kaya,
Napakaguwapo! Anak ko yata 'yan.
Hindi na bale ang paghihirap, kasama 'yan
Sa kaligayahang matatamo sa pagdadala ng bagong tao,
Bagong buhay dito sa mundong kinagigiliwan...
Sabik na akong halikan at hagkan siya,
Ang anak ko!...Mahal na mahal kita!

Ang Ama, Nagsasaya
Tatay na ako! Nabigyang katuparan ang aking inaasam!
Ang anak ko ang magiging pambato namin,
Ang pagyayabang ng aming pamilya!
Sana lalaki, tagadala ng pangalan, bisig na masasandalan!
Kung babae?...hahangaan ng buong pamayanan!
Hindi na ako makapagpigil, kailangan kong magsaya!
Tatay na ako, naiinitindihan ninyo ba ang ligaya
Ng mag-alaga at magpalaki ng iyong anak,
Ng magbigay-ligaya sa sanggol at sa batang lumalaki,
Ng magkayod at magsikap para sa kanyang kinakailangan?
Handa na akong magtiis para sa iyo, anak,
Mahal kita! Kahit sino ka man, mahal kita...

Ang Kapatid, Hindi Mapakali
Nadagdagan pa kami, biyaya raw ng Diyos.
Naku! Ang dami pang abala ng sanggol na iyan!
Ang dami pang kakulitan at kaguluhan ang bibigay niya!
At higit pa sa lahat, magmumukha pa akong matanda,
Kasi, mas bata siya sa akin....nakakahiya, 'no?
Diyahe pala ang matawag na ate o kuya, at manong o manang.
Pero...masarap sigurong maging bantay sa bata,
Nakakakiliti pa lang isipin na mayroong akong matuturuan,
Na ako ay magiging huwara para sa kanyang mabuting paghubog,
At higit pa sa lahat...mauutusan at mauuto!
Hindi naman, kasama iyan sa pagmamahal, sa kapatiran.
'Tol, kahit kailan, naririto ako para sa iyo.

Ang Ina
Anak ko, anong biyaya ang maibibigay ko sa iyo?
Anong pamanang maihandog na iyong pagyayabang?
Anong pagmamahal na iyong ikalalaki at ipapamahagi?
Anong pag-arugang iyong ilalakip na parang hiyas?
Anong parangal ang ikatataas at ikabubuti mo?

Ang Ama
Anak ko, sapat ba ang aking huwaran para sa iyo?
Ako ba'y nagtataglay ng kabutihang iyong sasaliminin?
Ako ba'y isang bayani sa iyong paninigin?
Ano pa ba dapat ang aking gagawin para sa iyo?

Ang Kapatid
Kapatid, sana hindi lamang tayo magkadugo, ngunit magkaibigan,
Na ang kadalisayan ng pagmamahal ang siyang pangpatingkad
Sa atin...ano pa ang aabutin ko para sa iyo?

Mga Gabay ng Sanggol
Kung hindi sapat ang puso ko sa pagbibigay ng pagmamahal,
Kung hindi sapat ang kamay ko sa pag-alaga,
Kung hindi sapat ang dugo't pawis ko sa pag-aalala,
Iaalay ko ang aking buong sarili...para sa iyo.

Ang Sanggol
Salamat, mga nagmamahal sa akin, salamat sa
Pagmamalasakit ninyo...Ano ang aking pagkatao
Na kayo'y magdulot ng inyong buong pagkatao,
Na kayo'y mag-alay ng inyong pag-ibig...
Sino ba ako? Bakit ako ganito kahalaga?
Ano ba ang aking halaga para sa inyo?
Sana, hindi maglaho ang inyong pangako...
Pero, alam, hindi mangyayari iyon, ibibigay ninyo
Kung ano ang makakaya ninyo...Sana, sana, sana,
Humigit ang handog ko inyo sa pagdaos ng panahon...
Iyan ang aking pangako, sana hindi ako mabigo...

Panahon ko na para maisilang!

No comments: